Trying Hard Poetry

At least, trying hard.


Paninisi

tapos na ang lahat, walang magagawa
sino ka upang tutulan ang tadhana
wala ng bukas ang sa’yo nakalaan
kamatayan ba’y ibig mo ring lusutan

nung una ikaw ay maligaya naman
sa pag-ibig ikaw ang valedictorian
sa paligid mo ay puro kaibigan
mga gustong bagay madaling nakamtan

ngunit katulad ng kastilyong buhangin
mga pangarap mo’y giniba ng hangin
wala ka nang ipagmamalaki ngayon
sorry ka, tapos na ang iyong panahon

masakit man pero kailangan tanggapin
may mga bagay na sadyang hindi atin
nawala na sa iyo ang lahat-lahat
kay kamatayan ka na lang nararapat

ngayon nandito ka sa kabilang buhay
magaganda na ang iyong nasisilay
ngunit kailangan bang ikaw ay matuwa
gayong ‘di tapos ang misyon mo sa lupa

hanggang dito ba nama’y dala mo’y dusa
‘di ka ba nagsawa nung ika’y buhay pa
sayang ka ngunit ‘di kita masisisi
ikaw lang ang dapat sa salitang kasi